Monday, January 19, 2009

Dyip.

Anim na araw sa loob ng isang linggo kung sumakay ako ng dyip. Apat na dyip ang sinasakyan ko papunta at pauwi mula sa eskwela. Nakakapagod. Pero matipid. Matagal. Pero hindi naman ako nale-late sa klase. Ilang buwan na rin akong nagji-dyip, hindi na ako sumasakay sa kolorum na van, kung saan-saan kasi umiikot, nahihilo ako. Nale-late pa.

Ang pinakagusto ko sa pagsakay sa dyip ay dahil mura ang pamasahe dito. Lalo pa ngayong nagbaba na naman ang pamasahe. Ang laki na ng naiipon ko mula sa baon ko. O diba, ayos! Pero kaninang umaga, nakonsensya ako sa mamang drayber. Bakit? Kasi sa tinagal-tagal ng pagsakay ko sa dyip ngayon ko lang nalaman na kulang pala ng PISO ang binabayad ko sa araw-araw. Kung hindi ko pa nabasa ang bagong taripa sa dyip na sinakyan ko kanina. Kung tutuusin, may utang akong apat na piso kada araw sa mga drayber na nasasakyan ko. Oh, hinde! Anlaki na ng utang ko!!! Hahaha. Ang exagge ko noh?!

Kaya para sa mga drayber na kulang ang naibayad ko, pasensya na po kayo. Baka sabihin naman nila, nang-wa-1-2-3 ako.

Nakakaaliw pa naman ang sumakay ng dyip sa araw-araw. Kahit isang oras mahigit ang byahe ko, naaaliw ako sa mga pasaherong iba-ibang klase. May kapwa ko estudyante, may mga nagttrabaho, may madaldal, may natutulog, may madaya sa pagbabayad (hindi po ako yun...tinamaan?!), may nang-aaway ng drayber, at kung anu-ano pang klase ng tao.

Masasabi na nga sigurong ang DYIP ang pambansang sasakyan ng Pilipinas. Nagkalat ang dyip sa Pinas, nagkalat din ang mga pasaherong tulad ko. Napuna ko nga na sa oras na humawak ka sa estribo ng dyip at umupo sa mahabang upuan nito, nagiging bahagi ka na ng buhay ng iba. Paano? Bawat pasahero sa dyip, may sari-sariling buhay, may kani-kaniyang destinasyon. Pero nasa iisang sasakyan na parang magkakapamilya. Nag-aabutan ng bayad, nagkakakwentuhan, at masusubukan ang damayan sa oras ng kagipitan.

Sa loob ng isang dyip, makikita mo ang Pilipinas, ang sari-saring mukha ng mga Pilipino, ang iba't-ibang buhay at paroroonan. Masayang sumakay ng dyip, sa kabila ng usok, trapik, at binging drayber. May sounds man o wala, makulay man o hindi, may kabayo man sa hood o wala...dyip pa rin yan, basta may byahe, basta may drayber at pasahero.

Ang byaheng dyip ay para ring byahe ng buhay natin. May mga taong sasakay at magiging parte nito, may mga hindi magbabayad, may mga bababa, at may mga sasamahan ka hanggang sa dulo ng ruta. May mga trapik, baha, lubak, at stoplight kang dadaanan. May mga pulis at batas-trapikong dapat sundin. Minsan masisiraan ka, pero may talyer na mapupuntahan. Basta may gas, tuloy ang byahe. Kaya sakay lang sa buhay!

Umpisa.

Lahat ng bagay ay may umpisa, tulad ng blog na ito. Dito sa paunang entry ng bago kong blog, nais ko lamang liwanagin kung ano ang mga magaganap, mga masusulat, mga aabangan (may mag-aabang kaya?), at higit sa lahat...ang dahilan ng pagkakaroon ng tagalog na blog na ito!

TAGAbLOG. Isang salitang may nagmamalalim na kahulugan. Marami, este may ilang salita ang nakatago sa iisang salitang iyan. Una, "Taga-blog" o taga-sulat ng blog. Ako, bilang (frustrated) na manunulat ang siyang magiging may-akda ng mga blog post sa site na ito. Ikalawa, "Tagalog" na wika ng mga Pilipino. Syempre proud Pinoy ang taga-blog na ito kaya naman ninais kong isa-Tagalog o isulat sa wikang Filipino ang aking blog. At ikatlo, ang salitang "Blog" na siya naman talagang layunin ng pinagsususulat kong ito. Para sa akin, ang pagba-blog ay isang makabagong paraan upang i-express ang sarili. Parang diary, o kaya naman ay isang aklat na blanko kung saan ang taga-blog na ang bahalang pumuno ng mga kaisipan o kung anumang nais niyang isulat. Ang pagba-blog ay KALAYAAN. Kalayaang mamahayag at magbahagi ng mga kaisipan, may katuturan man o wala. Kaligayahan lang ng isang manunulat ang magsulat at may makabasa ng kanyang sinulat. At yan ang aking pangunahing layunin, yan ang aking kaligayahan.

Sa kasalukuyan ay hinahanap ko ang aking sarili sa blogsphere. Walang katiyakan at subok lang ng subok. Malay natin, ito na ang SAKTOng blog na pinapangarap ko nuon pa.

-TAGAbLOG